Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa publiko laban sa patuloy na paglaganap ng mga mapanlinlang na gawain na ilegal na gumagamit sa pangalan ng mismong BSP o kaya naman ay sa mga pangalan ng mga opisyal nito.
Ayon sa Central Bank, layon umano ng modus na ito na lokohin ang publiko.
Ilan sa mga dokumentong pinepeke at ginagamit sa panloloko ay kinabibilangan ng mga “assurance letters,” mga sertipikasyon, at iba pang mga dokumento na may kaugnayan sa iba’t ibang uri ng pautang, mga deposito sa bangko, at iba pang transaksyong pinansyal.
Bukod pa rito, madalas din nilang subukang makuha ang mga personal at pinansyal na impormasyon ng kanilang mga biktima sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng panghihikayat at panlilinlang.
Mariing iginigiit ng BSP sa publiko na hindi ito nag-aawtorisa o nagbibigay pahintulot sa sinuman na maningil ng anumang uri ng bayarin para sa anti-money laundering clearance o anumang iba pang singil na may kaugnayan dito.
Kaya naman, mahigpit na pinapayuhan ang publiko na huwag pansinin o balewalain ang anumang kahina-hinalang komunikasyon na natatanggap, at huwag basta-basta magbigay ng anumang personal na impormasyon o detalye sa mga hindi kilalang indibidwal o grupo.
Dagdag pa rito, hinihimok ang publiko na i-report agad ang anumang insidente ng panloloko o kahina-hinalang aktibidad sa BSP sa pamamagitan ng email at isumbong sa pagtawag sa kanilang contact number.











