-- ADVERTISEMENT --

Isiniwalat ni dating Bulacan district assistant engineer Brice Hernandez ang umano’y hatian ng mga engineer sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kita mula sa ghost projects.

Ginawa ni Hernandez ang naturang rebelasyon matapos siyang pagkalooban ng legislative immunity kapalit ng pagsisiwalat sa kalakaran sa ghost projects sa kanilang distrito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomaliyang flood control projects ngayong Huwebes, Setyembre 18.

Sa rebelasyon ni Hernandez, tinukoy niya ang kaniyang dating boss na si ex-DPWH Bulacan engineer Henry Alcantara na may 40% na share mula sa kanilang kita, habang tig-20% naman kina engineer Jaypee Mendoza at engineer Paul Duya.

Ibinahagi din ni Hernandez na ang pagtaas ng “grease money” ay isa sa dahilan kung bakit sila nagpasyang gumawa ng ghost projects.

Kung saan, ayon kay Hernandez, sinabi ng kaniyang dating boss na si Henry Alcantara na napupunta umano sa proponent ang tara o suhol.

-- ADVERTISEMENT --

Sa panig naman ni Alcantara, itinanggi niya ang naturang mga akusasyon at blangko din siya kung sino ang sinasabing proponent.

Subalit, kalaunan na-cite in contempt si Alcantara dahil sa kaniyang pagsisinungaling umano kaugnay sa ghost projects.