-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagbigay ng paliwanag si Barangay Kagawad Tolentino ng Bo. 4, Koronadal City kaugnay sa isyu ng umano’y treasure hunting sa Sitio Cogonal, Barangay Topland, na halos isang taon nang isinasagawa.

Ayon kay Tolentino, hindi umano paghahanap ng ginto o kayamanan ang layunin ng kanilang ginagawang paghuhukay, kundi para magpatayo ng deep well bilang mapagkukunan ng malinis na tubig. Aniya, siya ang may-ari ng lupang pinaghuhukayan at ang aktibidad ay lehitimo at may kaukulang pahintulot.

Samantala, sa paunang pahayag ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Koronadal, sinabi ng ahensya na kanilang iimbestigahan ang naturang aktibidad upang matiyak kung may kaukulang permit ito, lalo na’t matagal nang nagpapatuloy ang hukay at tila mas malalim kaysa sa karaniwang balon. Ayon sa CENRO, may ilang residente ang nagreklamo at nagduda na posibleng treasure hunting ang totoong layunin, batay sa laki at lalim ng hukay.

Nakapagbigay rin ng pahayag sa panayam ng Bombo Radyo si City ENRO Augustus Bretana. Aniya, nakatanggap din sila ng impormasyon hinggil sa reklamo at kanila na itong isinangguni sa kinauukulang ahensya para sa beripikasyon. Dagdag pa ni Bretana, mahalagang masiguro na ang anumang aktibidad sa lupa ay may kaukulang dokumento at sumusunod sa regulasyon upang maiwasan ang paglabag sa batas pangkalikasan.Digital radio broadcasting

Ayon sa CENRO at City ENRO, sakaling mapatunayang walang sapat na permit o lumalabag ito sa mga umiiral na patakaran, posibleng ipatigil ang aktibidad at patawan ng kaukulang parusa ang may-ari ng lupa.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon at sinisiguro ng CENRO, City ENRO, at lokal na pamahalaan na ang anumang proyekto sa lugar ay alinsunod sa batas at hindi magdudulot ng panganib o pinsala sa kapaligiran.