-- ADVERTISEMENT --

Inamin ng Filipino-American internet personality na si Bretman Rock na hindi niya gusto ang aktres na si Vanessa Hudgens matapos umano ang isang hindi magandang karanasan sa kanilang pagkikita sa Coachella ilang taon na ang nakalilipas.

Ibinahagi ni Bretman ang naturang pahayag sa kanyang guest appearance sa isang podcast, na pinangungunahan ng Filipino-American couple na sina Alyssa at AJ Rafael.

Naitanong sa kanya kung sino ang kanyang “most disappointing celebrity encounter,” kung saan una niyang binanggit ang inisyal na “VH” bago tuluyang pangalanan ang aktres.

“Vanessa Hudgens,” ani Bretman. “I don’t like her. Like, literally…”

Ayon kay Bretman, nagkita sila ni Vanessa noong 2017 o 2018 sa Coachella, kung saan pareho silang kinuha bilang brand ambassadors ng isang gummy vitamins brand. Ikinuwento niyang pumunta siya sa bahay ng CEO ng nasabing brand upang kunin ang kanyang Coachella ticket, at doon niya nakita ang CEO na kausap si Vanessa.

-- ADVERTISEMENT --

“I was waving at him—not at her—and she literally looks at me and tries to hide,” ani Bretman, na sinabing sinusubukan lamang niyang tawagin ang pansin ng CEO at hindi ang aktres.

Dagdag pa niya, nang siya ay papalapit, umano’y pinaharangan pa siya ng assistant ni Vanessa.

Kwento pa ng influencer star na siya ay “Team Sharpay,” ang karakter na kalaban ng role ni Hudgens sa High School Musical. Binatikos din niya ang umano’y pagtrato sa kanya ng aktres kahit pareho lamang umano ang kanilang status sa event.

“You’re not above me, I’m not under you,” ani Bretman. “We have the same rate [and] we’re getting the same pass.”

Ipinahayag din niya ang kanyang pagkadismaya bilang kapwa Filipino, at sinabing nakapagtataka umano ang naging kilos ng aktres na may dugong Pilipino.

Ang mga pahayag na ito ay kasunod ng mga naunang pagkakataon kung saan tila nagbigay rin ng patutsada si Bretman kay Vanessa, kabilang ang pagbanggit niya sa maling pagbigkas ng aktres sa salitang “Palawan” sa kabila ng pagiging global tourism ambassador nito ng Pilipinas noong 2023.

Sa kasalukuyan, wala pang pahayag si Vanessa Hudgens kaugnay sa mga sinabi ni Bretman Rock.