-- ADVERTISEMENT --

Nilamon ng malaking sunog ang isang shopping centre sa al-Kut City sa Iraq.

Base sa reports ng local media, natukoy ang lokasyon ng sunog sa Kut Hypermarket mall.

Sa kumakalat na videos ngayon sa social media, makikita ang malaking apoy na lumamon sa limang palapag na gusali sa nakalipas na magdamag.

Pinangangambahan namang aabot sa 60 katao kabilang ang mga bata ang nasawi sa sunog habang marami pa ang pinaniniwalaang na-trap sa loob ng mall.

Ayon sa isang city health official, nasa 59 biktima ang nasa kanilang listahan kung saan natukoy na ang kanilang pagkakakilanlan subalit mayroon aniyang isang katawan na lubhang nasunog kayat pahirapan ang pagtukoy sa kaniyang pagkakakilanlan.

-- ADVERTISEMENT --

Marami din aniyang mga katawan ang narekober sa ilalim ng mga debris mula sa bahagi ng gusaling nasunog.

Ilang katao naman ang umakyat patungo sa rooftop para makaligtas sa naglalagablab na apoy.

Hindi pa tukoy sa ngayon ang sanhi ng sunog subalit inaasahang iaanunsiyo ang resulta ng inisyal na imbestigasyon sa loob ng 48 oras.

Samantala, ayon sa ulat, naghain na aniya ng kaso si Wasit regional governor Mohammed Jameel Al-Mayahi laban sa may-ari ng gusali at ng mall kasunod ng malagim na trahediya.