Ibinahagi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na siya ay na-diagnose na may leukemia matapos sumailalim sa quintuple bypass heart surgery noong 2023.
Noong panahong iyon, si Remulla ay nanunungkulan bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
“Noong 2023, na-diagnose ako na may kondisyon sa puso na kailangang operahan. Sumailalim ako sa operasyon, isang quintuple bypass, at habang ako’y nagpapagaling, doon ako na-diagnose na may kanser — leukemia, isang uri ng kanser sa dugo,” pahayag ni Remulla.
Isinasagawa ang quintuple bypass upang gamutin ang mga baradong ugat na nagdadala ng dugo sa puso, habang ang leukemia naman ay isang kondisyon kung saan labis ang bilang ng white blood cells sa katawan ng tao.
Ayon sa kanya, ang mga sintomas na una niyang naramdaman ay pagkahilo, panghihina, at madalas na pagdurugo ng ilong.
“Lagi akong nagno-nosebleed, tapos ayaw tumigil,” sabi ng Ombudsman. Dagdag pa niya, hindi niya piniling isipin ang kamatayan kahit sa harap ng naturang karamdaman. “Ayaw kong isipin sa ganoong paraan. Ang pananaw ko lang, bukas ay panibagong araw. Makalipas mo lang ang gabi, paggising mo sa umaga, isa na namang araw na ibinigay sa ‘yo. Natural lang, nabubuhay ako araw-araw.”
Ayon pa kay Remulla, tuluyan siyang naka-recover mula sa blood cancer matapos sumailalim sa dalawang cycle ng chemotherapy, total body radiation, at bone marrow transplant sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC) upang makalikha ng mga malulusog na blood cells.
Ibinunyag din niya na ang kanyang anak ang naging donor ng bone marrow noong isinagawa ang transplant: “Ang dugo ko ngayon ay hindi na ang dati kong dugo. Dugo na ito ng anak ko. Magkapareho kami ng full match, kaya ako gumaling at maganda ang aking prognosis.”
Ito ang unang pagkakataon na kinumpirma ni Remulla na siya ay na-diagnose na may leukemia.
Matatandaan na noong siya pa ang kalihim ng DOJ noong 2023, nag-avail siya ng 10-day wellness leave dahil sa “personal reasons” at kalaunan ay inihayag na sumailalim siya sa bypass surgery.
Pormal na nanumpa si Remulla bilang Ombudsman noong Oktubre 9 matapos siyang manumpa sa harap ni Acting Chief Justice Marvic Leonen sa Supreme Court sa Maynila.











