Naging mainit umano ang labanan ng dalawang PBA teams para makuha ang serbisyo ng 7-foot-3 NBA veteran na si Bol Bol sa kasalukuyang Commissioner’s Cup.
Ayon sa ulat, sinubukan umano ng Magnolia na makuha ang serbisyo ni Bol ngunit nauwi ito sa pagkapanalo ng TNT, kaya’t doon siya napunta bilang import na manlalaro.
Bagama’t may salary cap na humigit-kumulang $25,000 kada buwan para sa imports, may mga dagdag umano na bonuses at perks na maaaring magpataas ng kabuuang compensation.
Umabot umano sa $90,000 o halos P5.4 million kada buwan ang offer ng Magnolia, ngunit hindi natuloy ang deal sa hindi pa malinaw na dahilan.
Samantala, lumutang din ang ulat na maaaring umaabot sa $120,000 o humigit-kumulang P7.3 million kada buwan ang natatanggap ni Bol sa TNT, bagama’t wala itong kumpirmasyon mula sa koponan.
Sa kabila ng mataas na inaasahan, hindi pa rin naiaangat ni Bol ang TNT sa tuktok ng standings. Hawak ng koponan ang 6-4 record at kinakailangan nilang manalo sa natitirang dalawang laro para magkaroon ng tsansang makapasok sa Top 4 at makakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.











