Isang lalaki ang binaril habang pauwi sa kanyang bahay sa Sitio Damagui, Barangay Tugal, Kadayangan, SGA BARMM, nitong Miyerkules, Disyembre 17, 2025, bandang alas-9:40 ng umaga.
Ayon sa ulat, si Maher Kawan Balimbingan, 48 anyos, walang trabaho at nakatira sa nasabing lugar, ay sakay ng kanyang pulang XRM motorcycle nang bigla siyang barilin ng hindi kilalang suspek sa tiyan. Agad siyang dinala sa Pesante Hospital sa Midsayap, North Cotabato para sa agarang lunas. Naiulat na hindi fatal ang kanyang mga sugat.
Narekober sa lugar ng krimen ang dalawang (2) empty shell cartridges, na pinaniniwalaang mula sa caliber .45 pistol. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa insidente.
Ayon sa Kadayangan Municipal Police Station (MPS), pinaigting nila ang seguridad at isinasagawa ang dragnet operations kasama ang iba pang yunit ng PNP upang mahuli ang suspek.











