Bumaba sa 2.03 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o negosyo noong Agosto ng kasalukuyang taon, base sa resulta ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ay katumbas ng unemployment rate na 3.9%. Nangangahulugan ito na 39 sa 1,000 indibidwal ang walang trabaho o kabuhayan noong Agosto.
Mas mababa ito kumpara sa 2.59 milyong Pilipinong walang trabaho o negosyo noong Hulyo 2025 na may katumbas na 5.3% unemployment rate.
Sa pulong balitaan ngayong Miyerkules, Oktubre 8, ipinaliwanag ni National Statistician at PSA USec. Claire Dennis Mapa na isa sa dahilan ng pagbaba ng walang mga trabaho noong Agosto ay ang pagbabalik ng mga manggagawa, na pansamantalang nawalan ng trabaho noong Hulyo dahil sa mga serye ng bagyong tumama sa bansa.
Samantala, iniulat din ng PSA chief na ang bilang ng mga indibidwal na employed na subalit naghahanap nang karagdagan pang trabaho o mas mahabang oras sa trabaho para madagdagan ang kanilang income o underemployed ay bumaba sa 5.38 million noong Agosto.
Malaki naman ang pagtaas ng employment rate noong Agosto sa 96.1% o katumbas ng 50.10 milyong Pilipino na may trabaho.
Base sa datos ng PSA, pinakamalaking nakapag-ambag sa kabuuang employment na nasa 61.5% ay sa sector ng agrikultura na nasa 20.4% at sa industriya na nasa 18.1%.