Bumaba sa 2.03 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa noong Mayo 2025 mula sa 2.06 milyong unemployed noong Abril.
Base sa latest Labor Force Survey, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) USec. Claire Dennis Mapa, bumaba ang unemployment rate sa 3.9% noong Mayo mula sa 4.1% na naitala noong Abril 2025 at Mayo noong 2024.
Ayon sa PSA official, 39 sa kada 1,000 indibidwal na nasa labor force ang walang trabaho o negosyo noong Mayo ng kasalukuyang taon.
Paliwanag ni USec. Mapa na ang pagbaba ng unemployed sa bansa ay bunsod ng pagtaas sa 1.35 million ng mga indibidwal na pumasok sa labor force mula Mayo 2024 hanggang Mayo 2025 kung saan halos lahat ay nagkaroon ng trabaho.
Maliban dito, tinukoy din ng PSA chief ang ilang mga sektor na nakapag-ambag sa pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho kabilang ang pagtaas ng mga nagkatrabaho sa wholesale at retail trade, agriculture and forestry, administrative support service activities, accommodation food services, political organization at real state activities.
Samantala, iniulat din ng PSA na bumaba ang bilang ng mga Pilipinong underemployed sa 6.60 million o katumbas ng 13.1% noong Mayo ng kasalukuyang taon mula sa 7.09 million o 14.6% noong Abril.
Pagdating naman sa employment, tumaas ang mga nagkatrabaho noong Mayo sa 52.32 milyong Pilipino mula sa dating 50.74 million na naitala noong Abril 2025.