-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ng Bureau of Immigration (BI) ang buong suporta nito sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12312 o ang Anti-Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) Act of 2025, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 23.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, nakikiisa ang BI sa Pangulo sa pagpapatupad ng makasaysayang reporma na naglalayong tapusin ang operasyon ng mga POGO sa bansa.

Sa ilalim ng bagong batas, ang mga lalabag ay maaaring makulong ng hanggang 12 taon at pagmultahin ng hanggang P50 million.

Habang ang mga dayuhang lalabag ay ide-deport matapos ang kanilang sentensiya at habambuhay din silang bawal na pumasok sa Pilipinas.

Pinatibay pa ng RA 12312 ang naunang Executive Order No. 74 na una nang inilabas ni Pangulong Marcos Jr. noong Nobyembre 2024, na nagbabawal sa offshore at internet gaming dahil sa pagkakaugnay nito sa mga krimeng tulad ng human trafficking at torture.

-- ADVERTISEMENT --