Naghain ng panibagong mga reklamong kriminal at administratibo ang kampo ng pamilya Duterte laban sa matataas na opisyal ng Marcos administration at police officers sa Office of the Ombudsman ngayong Lunes, Setyembre 15.
Ito ay may kaugnayan sa pag-aresto ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Marso 11 ng kasalukuyang taon.
Sa 160 pahinang affidavit complaint, inakusahan ni Davao City Acting Mayor Baste sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, DILG Sec. Jonvic Remulla, DND Sec. Gilbert Teodoro, NSA Eduardo Ano at iba pang mga opisyal ng kidnapping, arbitratry detention, grave misconduct at iba pang mga paglabag sa batas.
Pinangalanan din bilang respondent sa reklamo sina dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, former Criminal Investigation and Detection Group Director Maj. Gen. Nicolas Torre III, Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, at ibang pulis at justice officials.
Nakasaad din sa reklamo na pagkadating ng dating pangulo sa bansa mula Hong Kong kasama ang miyembro ng kaniyang pamilya at si dating Executive Secretary Salvador Medialdea ay pwersahnag dinala sa Villamor Air Base, mahigpit na binantayan ng ilang oras, saka inilipad papuntang The Hague sa Netherlands nang walang due process.
Pinagkaitan din aniya ang dating pangulo na agarang access sa medical treatment sa kabila ng kaniyang iniindang seryosong diabetic condition.
Nagbunsod aniya ito kay Acting Mayor Baste na ipagpatuloy ang kaso dahil nananatili pa rin ang kaniyang ama na nakakulong sa ibang bansa at hindi kayang maghain ng dating pangulo ng mga kaso.