-- ADVERTISEMENT --

Naghain ng reklamong cyberlibel si House Deputy Speaker Ronaldo Puno laban kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga dahil sa kaniyang bribery posts sa social media.

Nag-ugat ito sa mga naging pahayag ni Barzaga online na tumanggap umano ang kaniyang kapwa mambabatas mula sa National Unity Party (NUP) ng suhol mula sa business tycoon na si Enrique Razon para suportahan ang speakership bid noon ni Leyte Representative Martin Romualdez sa pagbubukas ng 20th Congress.

Inihain ni Cong. Puno ang reklamo laban kay Barzaga sa Office of the City Prosecutor sa Antipolo.

Inihayag ng mambabatas na mayroong consequences ang mga aksiyon lalo na kapag ito ay malisyoso at malinaw na intensiyong dungisan ang reputasyon nang walang basehan.

Dagdag pa ng kongresista na hindi dapat na basta na lamang akusahan ng krimen ang isang indibidwal, ipangalandakan sa milyun-milyong tao at itago ang mga kalokohan sa likod ng social media.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, iginiit ni Puno na kanilang ipupursige ang ganap na pananagutan sa ilalim ng batas.

Nauna na ring nagsampa ng kasong cyberlibel si Razon laban kay Barzaga kaugnay ng kaparehong alegasyon.

Samantala, nakatakdang magpaso ang suspensiyon ni Barzaga sa Enero 30 na nag-ugat sa kaniyang “reckless at inflammatory” socmed posts. Nakaamba namang mapalawig pa ito bunsod ng panibagong reklamo laban sa neophyte lawmaker.