-- ADVERTISEMENT --

Isinisisi ng China sa Pilipinas ang insidente sa West Philippine Sea na kinasasangkutan ng kanilang mga barko.

Matatandaang nagsalpukan ang China Coast Guard vessel at kanilang Navy habang hinahabol ang mas maliit na barko ng Philippine Coast Guard.

Nangyari ito sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc na pasok sa ating exclusive economic zone.

Sa kabila ng sila-sila ang nagbanggan, itinuro ng China ang sisi sa Pilipinas at sinasabing ang presensya ng mga barkong Pilipino ang dahilan ng tensyon sa lugar.

Ayon sa pahayag ng tagapagsalita ng China Coast Guard, ang kanilang mga hakbang ay “legal at kinakailangan” upang itaboy ang umano’y “illegal na pagpasok” ng Pilipinas sa tinatawag nilang Huangyan Island.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi direktang inamin ng China ang banggaan ng kanilang sariling mga barko, ngunit mariin nilang kinondena ang kilos ng Pilipinas.

Maging ang kanilang foreign ministry ay nagsalita na rin hinggil dito.

“Facts have proven once again that the Philippines’ intentional infringement and provocative activities at sea are the root cause for the tensions,” wika ni Chinese Foreign Ministry spokesman Lin Jian.

Samantala, kinondena ng mga mambabatas sa Pilipinas ang insidente at tinawag itong “reckless” at “mapanganib,” lalo’t nagresulta ito sa pagkakasugat ng ilang Chinese crew.

Ayon sa Philippine Coast Guard, sila ay tinarget ng water cannon habang nagsasagawa ng regular na patrol, ngunit nag-alok pa rin sila ng tulong medikal sa mga nasugatang Chinese personnel.

Patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea, habang naninindigan ang Pilipinas sa karapatang pantubig nito alinsunod sa 2016 arbitral ruling.

Lumabas na rin sa international media ang ulat sa banggaan ng mga barko ng China kaya naging sentro ito ng puna laban sa higanteng bansa.