Napili ang bangkang Balangay bilang sentro ng logo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 2026 Philippine Chairship.
Ang balangay ay isang sinaunang bangkang yari sa kahoy na ginamit sa Pilipinas, lalo na sa Butuan City, para sa paglalakbay sa pagitan ng mga isla noong sinaunang panahon, kabilang na sa kalakalan at migrasyon.
Ang mga natuklasang arkeolohikal sa lungsod ng Butuan, na nagmula pa noong ika-10 siglo, ay sumasalamin sa maunlad na kakayahan sa paggawa ng bangka at sa tradisyong pandagat ng mga sina-unang pamayanang Pilipino.
Ang salitang barangay, na tumutukoy sa pinakamaliit na yunit ng administratibo sa Pilipinas, ay pinaniniwalaang nagmula sa salitang balangay, dahil sa mahalagang papel nito sa paghubog ng maagang organisasyong panlipunan.
Sa kasalukuyan, tampok ang balangay sa ASEAN 2026 Philippine Chairship logo, na humuhugot ng inspirasyon mula sa maritime heritage at sa mahaba at mayamang kasaysayan ng paglalayag at ugnayan ng Pilipinas sa karagatan.











