Nag-iwan na ng 27 kataong nasawi ang bagyong Uwan sa Pilipinas.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong umaga ng Miyerkules, Nobiyembre 12, karamihan sa mga nasawi ay dahil sa landslide.
Pinakamarami sa mga nasawi ay naitala sa mabundok na Cordillera Administrative Region (CAR), kung saan tig-tatlong labi ng mga biktima ang narekober mula sa Mountain Province at Kalinga, apat mula sa Benguet at 9 mula sa Ifugao.
Sumunod ang Region 2 o Cagayan Valley na nakapagtala ng tatlong nasawi.
Tig-isang casualty naman ang naitala mula sa Region 5,6,7, 9 at sa isang nasawi na hindi pa natukoy kung saang probinsiya.
Samantala, umabot sa 36 indibidwal ang naitalang nasugatan habang mayroong dalawang katao ang nananatiling nawawala sa CAR.
Sa kabuuan, umakyat na sa mahigit 3.5 milyong indibidwal o katumbas ng mahigit 1 milyong pamilya ang apektado mula sa mga sinalantalang rehiyon sa Bicol Region, Ilocos Region at Eastern Visayas.
Kasalukuyang nasa evacuation centers pa rin ang mahigit 600,000 indibidwal o katumbas ng mahigit 170,000 pamilya habang may iba na pansamantalang lumikas at nanunuluyan sa ibang ligtas na lugar.
Bagamat nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Uwan mula pa kahapon, patuloy pa rin itong binabantayan at inaasahang muling papasok ng PAR bandang hapon ngayong Miyerkules bago inaasahang mag-landfall sa southwestern coast ng Taiwan ng hapon o gabi.











