Bahagyang humina ang Typhoon Inday habang mabagal itong kumikilos sa bahagi ng karagatan ng Pilipinas sa silangan ng Hilagang Luzon, ayon sa pinakahuling abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Nasa layong humigit-kumulang 740 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan ang sentro ng bagyo, na may lakas ng hanging umaabot sa 155 kilometro kada oras at pag-bugso na aabot hanggang 190 kilometro kada oras.Panahon
Dahil dito itinaas ng state weather bureau ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes, silangang bahagi ng Babuyan Islands, at Santa Ana, Cagayan.
Samantala, nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang ilang lugar sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, Aurora, at Catanduanes.
Nagbabala ang weather bureau na maaaring makaranas ng malalakas na pag-ulan ang ilang lugar dahil sa epekto ng bagyo at ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat.Mga Mapa
Inaasahan din ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa ilang lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila, Bataan, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, at Lanao del Sur.
Pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nasa ilalim ng wind signals, na maging alerto sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at malalakas na hangin.
Ayon sa PAGASA, mananatili ang bagyong Inday habang nasa loob ito ng Philippine Area of Responsibility hanggang Biyernes ng gabi at posible itong dumaan malapit sa Hilagang Luzon bago tumuloy patungong Taiwan at China.











