‘Wala pang naitatalang kaso sa Pilipinas ng bagong COVID-19 variant na tinatawag na “Cicada” (BA.3.2), na natukoy sa ilang bansa kabilang ang Estados Unidos, ayon sa Department of Health (DOH) noong Sabado.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, mas kaunti ang bilang ng mga kaso ngayong taon kumpara sa nakaraang taon.Pangangatawan
Dagdag pa niya, hindi na kasingdalas ang genomic sequencing para sa COVID-19 dahil hindi na ito itinuring na Public Health Emergency of International Concern (PHEIC).
“Hindi pa kami nakakita ng Cicada variant, pero kahit pa may makita, hindi ito dapat ikabahala,” paliwanag niya.
Natukoy ang Cicada strain noong Nobyembre 2024 sa South Africa at ito ay nagmula sa Omicron lineage ng virus.
Ayon sa World Health Organization (WHO), na-monitor na ang BA.3.2 sa 23 bansa at wala pang ebidensiya na nagpapakita ng mas malalang sakit, diagnostic failure, o mababang bisa ng mga kasalukuyang antiviral kumpara sa ibang Omicron lineages.
Tinukoy ng WHO na bagama’t may “pronounced immune-escape profile” ang BA.3.2, hindi pa ito nagdudulot ng karagdagang panganib sa pampublikong kalusugan kumpara sa umiikot na Omicron variants.
Suportado rin ito ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), na nagsabing sa laboratory studies, ang BA.3.2 ay may kakayahang umiwas sa antibodies, kaya’t mahalaga ang patuloy na genomic surveillance at pagsusuri sa bisa ng bakuna at antiviral treatments.
Ayon kay Domingo, natural lamang para sa mga virus tulad ng COVID-19 ang magkaroon ng bagong variant.
“Hanggang hindi nagbubukas ng alarma ang WHO o iba pang international health bodies, walang dahilan para mag-alala. Patuloy ang pagpapatupad ng standard precautions at infection control measures,” ani Domingo.
Dagdag pa niya, nakatuon ngayon ang DOH sa mga sakit na kaugnay ng mainit at tuyong panahon, pati na rin sa contingency planning para sa national health system sa harap ng national energy emergency.











