-- ADVERTISEMENT --

Sinimulan na ang limang araw na mandatoryong quarantine para kay dimissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at kaniyang kapwa akusado sa Reception and Diagnostic Center (RDC) sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), ang 5-day quarantine ay isang standard protocol para sa lahat ng bagong persons deprived of liberty (PDL) sa CIW.

Sa naturang period, sasailalim si Guo kasama sina Jaimelyn Santos Cruz at Rachelle Joan Malonzo Carreon, sa masinsinang medical examination para masuri ang kanilang pisikal na kondisyon at matiyak na hindi nagpapakita ng banta sa kalusugan sa iba pang mga preso.

Matapos ang quarantine, ililipat sina Guo sa regular dormitory, kung saan sila mananatili sa loob ng 55 araw at sasailalim sa mandatory orientation, diagnostics at qualification.

Sa oras na makumpleto ang buong 60 araw na proseso sa Reception and Diagnostic Center, dadalhin sina Guo sa kanilang itinalagang kwarters sa Maximum Security Camp, salig sa mga regulasyon para sa mga inmate na nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag naman ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ang naturang mga proseso ay napakahalaga para matukoy ang mga pangangailangang pisikal at psychological ng mga bagong PDL, kung saan ang impormasyon ay gagamitin ng institusyon para makabuo ng isang “individualized treatment plan o program.”

Matatandaan nitong gabi ng Biyernes, pormal nang inilipat sina Guo sa naturang pasilidad mula sa Pasig City Jail Women’s Dormitory.

Ang paglipat kina Guo ay isinagawa sa bisa ng Mittimus Order na inisyu ng Judge ng Regional Trial Court Branch 167.

Nahaharap si Guo at ang dalawa pa niyang kapwa akusado sa qualified human trafficking na hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong at multang P2 million.