Handa na ang Filipina tennis star na si Alexandra “Alex” Eala para sa ASB Classic sa New Zealand kontra kay Croatian Olympic silver medalist na si Donna Vekic sa Lunes.
Ang 20-anyos na si Eala, na kasalukuyang nasa ika-53 Women’s Tennis Association (WTA) rankings, ay papasok sa torneo bilang ikaapat na seed, kasunod nina Ukrainian Elina Svitolina at mga Amerikanang sina Emma Navarro at Iva Jovic.
Si Vekic, 29, ay dating umabot sa career-high singles ranking na No. 17 at kasalukuyang nasa No. 69.
Mayroon ding apat na WTA singles titles si Vekic at itinuturing na isang beteranong manlalaro sa women’s tour.
Bukod sa singles, lalahok din si Eala sa doubles event kasama si Iva Jovic. Sa kanilang opening match, makakaharap nila ang tennis icon at dating world No. 1 na si Venus Williams, kasama si Svitolina.
Magugunitang napabilang si Eala sa ASB Classic matapos ang isang makasaysayang 2025 season, kung saan siya ay unang nakapasok sa WTA Top 100, nagwagi ng kanyang unang WTA 125 title, at nag-uwi ng gold medal sa Southeast Asian Games.











