-- ADVERTISEMENT --

Si Charlie Tiu Hay Sy Ang, o mas kilala bilang Atong Ang, ay unang nakilala noong 2001 bilang isa sa mga pangunahing akusado sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Ayon sa ulat , si Ang umano ang naging mitsa ng away sa pagitan nina Estrada at dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, na nauwi sa pagbagsak ng administrasyon ni Estrada.

Inakusahan si Estrada na pinayagan si Ang na magpatakbo ng jueteng, isang ilegal na sugal sa bansa, na naging banta sa negosyo ni Singson.

Dahil dito, naging testigo si Singson laban kina Estrada at Ang, at ibinunyag ang diumano’y pagbulsa ng P130 million mula sa tobacco excise tax.

Matapos ang pagkakatalsik ni Estrada, tumakas si Ang patungong Estados Unidos kung saan siya ay nahuling nagsusugal sa Las Vegas.

-- ADVERTISEMENT --

Na-extradite siya pabalik ng Pilipinas noong 2006 at kalaunan ay pumayag sa plea bargain. Inamin ang mas mababang kaso ng “corrupting public officials,” at isinauli ang P25 million mula sa kanyang kinita sa ilegal na transaksyon.

Pormal siyang naging malaya noong 2009 matapos makumpleto ang dalawang taong probation.

Sa kabila ng kontrobersiya, muling lumitaw si Ang bilang legal gambling operator. Kilala siya ngayon bilang co-founder ng Ultimate Fighting Cock Championship (UFCC), isang lehitimong cockfighting organization. Isa rin siyang consultant ng Meridien Vista Gaming Corporation (MVGC), na nagpapatakbo ng jai alai sa Cagayan Special Economic Zone.

Noong 2017, muli siyang napabalita matapos akusahan sina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre at NSA Hermogenes Esperon ng pagtatangka sa kanyang buhay, dahil sa umano’y agawan ng kontrol sa small-town loterry.

Ngunit kalauna’y tumigil ang isyu matapos ang pakikipagkita ni Ang sa oposina ni Aguirre at ang pagsuporta nito kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Magugunita na sa isang talumpati noong 2018, tinawag ni Duterte si Ang bilang “number one gambler,” at inanyayahan pa na tumulong sa gobyerno upang tapusin ang ilegal na sugal sa bansa.

Noong 2024 naman, kinumpirma ni Ang ang relasyon nito sa aktres na si Sunshine Cruz, matapos kumalat sa social media ang mga video kung saan makikitang naghahalikan ang dalawa.