Nanghinayang si House Deputy Majority Leader at Appropriations Vice Chair Zia Alonto Adiong sa hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa plenary debates ng Kamara kaugnay ng panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP), na umaabot sa ₱902.8 milyon.
Ayon kay Adiong, isang mahalagang bahagi ng proseso ng pag-apruba ng pambansang budget ang aktibong partisipasyon ng mga ahensya ng gobyerno, lalo na kung may hinihiling na dagdag na pondo.
Sa kaso ng OVP, humihiling ito ng dagdag na ₱200 milyon mula sa kasalukuyang ₱733 milyong budget nito.
Giit pa ng mambabatas, hindi basta-basta maibibigay ang hinihiling na alokasyon kung walang malinaw na justification o paliwanag mula mismo sa pinuno ng tanggapan.
Aniya, responsibilidad ng bawat ahensya, lalo na ang mataas na opisina tulad ng OVP, na dumalo at ipagtanggol ang kanilang budget proposal. Kailangan nilang ipakita na may malinaw na plano kung paano ito gagastusin.
Hindi rin umano malinaw sa plenary presentation ng OVP ang partikular na mga programa o proyekto na pagkakagastusan ng karagdagang ₱200 milyon.
Aniya, tila general at kulang sa detalye ang presentasyon ng mga kinatawan ng OVP.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Adiong na bukas naman ang Kamara sa pakikipag-ugnayan at diskusyon, ngunit mas nanaisin pa rin ng mga mambabatas na makausap mismo ang pinuno ng ahensya sa mga ganitong sensitibong usapin, lalo na’t pera ng taumbayan ang pinag-uusapan.
Samantala, sa ikatlong pagkakakataon hindi sumipot si VP Sara da budget debate ng OVP kagabi sana nakatakda talakayin ang budget subalit nauwi ito sa manifestation ng mga kongresista na hindi nagustuhan ang naging asal ng pangalawang Pangulo lalo at naglatag pa ito ng mga kondisyon.