Tinukuran sa Kamara de Representantes ang panukala na higpitan ang access sa mga online gambling, lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, ang mga online gambling transaction ay hindi dapat payagan sa mga e-wallet platforms gaya ng GCash at Maya, gayundin sa mga online applications ng mga bangko.
Iginiit din ni Ridon ang kahalagahan na maprotektahan ang kita ng isang pamilya upang mapunta ito sa mga pangangailangan ng mga miyembro.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman nina Akbayan Representatives Chel Diokno at Perci Cendaña na maghahain sila ng panukala upang magkaroon ng regulasyon sa online gambling, matiyak na sinusunod ang age restrictions sa mga e-gambling platforms, at alisin ang access nito sa mga e-wallet services.
Ayon kay Diokno dapat na higpitan ang access sa e-gambling gaya ng ginagawa ng gobyerno sa mga casino.
Tinuligsa naman ni Cendaña ang mga e-Gambling billboard sa EDSA, na mistulang nagno-normalize umano sa mga pagsusugal sa mga pampublikong lugar.