Isinusulong ng Department of Agriculture sa pangunguna ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mas mabilis na mekanisasyon at modernisasyon ng sakahan upang mapataas ang ani at mapatatag ang kita ng mga magsasaka sa bansa.
Inilatag ni Tiu Laurel ang mga hakbang na ito sa isinagawang Asia-Pacific Conference on Sustainable Agricultural Mechanization o APSAM 2026.
Katuwang ang mga partner na ahensya at organisasyon tulad ng Food and Agriculture Organization ng United Nations, target ng ahensya na gawing mas magaan ang trabaho sa bukid at palakasin ang kabuhayan ng mga nagtatanim.
Bahagi ng modernisasyon ang patuloy na paglalagay ng mas maraming drying systems kabilang ang planong pagkuha ng halos 380 units na ipamamahagi sa iba’t ibang panig ng bansa at posibleng madagdagan pa sa susunod na taon kasabay ng pagpapatayo ng pasilidad para sa vegetable processing at cold storage sa Benguet.
Sa usapin kung maaring maabot pati ang mga magsasakang nasa malalayong lugar, mariing sinabi ni Tiu Laurel na kaya itong gawin sa pamamagitan ng mas malikhaing patakaran at agarang pagkilos.
Ayon sa kalihim, marami pang dapat gawin at sinisimulan na ang lahat ng ito ngayon, kabilang ang pagpapalawak ng suporta mula sa palay tungo sa iba pang pananim tulad ng gulay, pati na ang pagtitiyak ng abot-kayang financing, spare parts, at pagsasanay.











