Nakatakdang sisiyatin bukas, Oktubre 22 ng House Committee on Dangerous Drugs ang nasabat na 521 kilong shabu sa Laos na nakatakdang dalhin sa Pilipinas, upang busisiin ang mga hakbang at imbestigasyon ng iba’t ibang ahensya.
Ayon kay House Comittee on Dangerous Drugs Chairman Rep. Mark Santos, hihingian nila ng opisyal na ulat ang mga pangunahing law enforcement agency tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Customs (BOC).
Bagamat aniya walang direktang hurisdiksyon ang Pilipinas sa Laos, isasagawa ang pagdinig para makatulong sa pagbalangkas ng mga batas upang alamin ang takbo ng imbestigasyon at amyendahan ang mga umiiral na patakaran.
Kaugnay nito, inihayag ni Santos na nakapagtala na ang PNP-CIDG ng aabot sa 21 indibidwal na pinadalhan ng subpoena kaugnay ng kontrobersyal na shipment, habang tinutukoy na rin ng PDEA ang posibleng ugnayan ng mga lokal na indibidwal sa mga international drug syndicate.
Binigyang-diin ni Santos na ang pangunahing pokus ng imbestigasyon ay tukuyin kung sino ang nagpondo sa shipment at kung sino ang nakatakdang tumanggap ng mga ilegal na droga sa Pilipinas upang masampahan ng kaukulang kaso.
Maliban dito, isinusulong din ng komite na muling i-convene ang Inter-Agency Committee Against Illegal Drug (ICAD) at gawing ganap na operational at may sapat na pondo ang National Anti-Illegal Drugs Task Force.
Sa pamamagitan aniya ng mas pinalakas na task force na ito, inaasahang mas magiging mabilis ang intelligence sharing, regular coastal patrol, at mahigpit na pagbabantay sa pagitan ng PDEA, Philippine Coast Guard, at iba pang kaugnay na ahensya laban sa mga kahina-hinalang kargamento at sasakyang-dagat.











