Target ng Senate Finance Subcommittees na matapos ang mga budget hearing sa Oktubre 22, ayon kay Senate finance committee chairperson JV Ejercito.
May dalawang linggo ang Senado para sa deliberasyon sa 2027 national budget habang naka-pause ang impeachment trial, bago muling magbukas ang ikalawang regular session sa Nobyembre 9.
Nakatakdang isumite ang mga ulat ng subcommittee sa Oktubre 23, susundan ng konsultasyon sa civil society groups sa Oktubre 26.
Target namang ihain sa plenaryo ang ulat ng buong komite sa Nobyembre 11 at isponsoran ang senate version ng general appropriations bill sa Nobyembre 23.
Inaasahan ni Ejercito ang dalawang linggong debate sa budget ng bawat ahensiya bago ito maipasa sa second reading.
Pagkatapos ng pag-apruba ng Senado, pag-uusapan ng bicameral conference committee ang pagkakaiba ng bersiyon ng Kamara at Senado bago isumite ang pinal na panukala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr para sa lagda bago ang Christmas break.
Dinagdag din nito ang usapin sa impeachment na aniya’y mahalagang mabigyan ng pagkakataong mapakinggan ang lahat ng mahahalagang usapin sa mga pagdinig.
Ito kasunod ng pag-withdraw ng House prosecution panel sa tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.










