-- ADVERTISEMENT --

Tinitingnan ng House prosecution panel si dating Department of Education (DepEd) Assistant Secretary at spokesperson Atty. Michael Poa bilang hostile witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong, mahalagang testigo si Poa sa isyu ng confidential funds ng DepEd noong kalihim pa si Duterte.

Si Poa umano ang isa sa mga opisyal na tumugon sa Audit Observation Memoranda (AOM) ng Commission on Audit (COA) tungkol sa paggamit ng confidential funds ng DepEd.

Sinabi ni Adiong na maaaring makatulong ang testimonya ni Poa para maipaliwanag kung paano hinarap ng DepEd ang mga audit findings at dokumento kaugnay ng pondo.

Inihambing ni Adiong si Poa kay OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio, na nauna nang iniharap ng prosecution bilang hostile witness.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, sinabi niyang ang impeachment court pa rin ang may pinal na kapangyarihan na magdesisyon kung kwalipikado si Poa bilang hostile witness.

Ang isyu ng DepEd confidential funds ay bahagi ng Article I ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit, paglustay at iregular na liquidation ng confidential funds sa OVP at DepEd.