Sumipa na sa 10 ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng isang siyam na palapag na gusaling under construction sa Angeles City, Pampanga matapos makuha ng mga awtoridad ang isa pang bangkay nitong Linggo, Mayo 31.
Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nasabing biktima.
Nauna nang narekober sa magkahiwalay na retrieval operations ang ikawalo at ikasiyam na nasawi dakong alas-2:51 at alas-3:43 ng hapon. Isa pang lalaking biktima naman ang nakuha mula sa mga guho bandang alas-7:42 ng umaga.
Sinabi ng mga awtoridad na wala sa tatlong biktima ang may dalang anumang pagkakakilanlan nang matagpuan ang kanilang mga labi.
Patuloy pa rin ang retrieval operations gamit ang mga heavy equipment at manu-manong paghuhukay habang maingat na inaalam ng mga rescuer ang iba pang posibleng biktima.











