Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na tanging mga lehitimong magsasaka lamang ang makikinabang sa itinakdang mas mataas na P30 kada kilo na buying price ng palay, upang maiwasan ang posibleng pang-aabuso ng mga traders.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, ang pagtaas ng purchasing price ay tugon sa tumataas na gastos sa produksyon at sa presyo ng fuel, na nakakaapekto sa kita ng mga magsasaka.
Para masigurong hindi malulusutan ng mga middlemen o trader ang sistema, ipinaliwanag ng NFA na kailangang rehistrado ang mga magbebenta sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture, o may sertipikasyon mula sa municipal agriculture office na sila ay tunay na magsasaka.
Bukod dito mayroon ding “farmer’s desk” sa mga buying station kung saan maaaring ma-monitor ng publiko ang pagbili ng palay bilang bahagi ng transparency at citizen participation audit. Ilalagay din sa bulletin board ang pangalan ng mga magsasakang nagbenta ng kanilang ani.
Dagdag pa ng NFA, layunin nito na palakasin ang buffer stock ng bigas ng bansa, matapos na makabili lamang ng kulang sa 1% ng target nitong imbentaryo sa mga nakaraang buwan dahil sa mataas na presyo ng palay.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang biniling palay ay hindi agad ibebenta sa pamilihan, kundi i-iimbak bilang reserba na magagamit sa oras ng kalamidad, emergency, at supply.











