-- ADVERTISEMENT --

GENSAN– Nagpahayag ng matinding pagkabahala si Marfin Tan sa kakulangan ng suplay ng langis na nakaaapekto sa sektor ng pangingisda sa General Santos City.

Ayon sa kanya, posibleng huminto ang operasyon ng mga mangingisda kung tuluyang maubusan ng krudo at gasolina.

Nanawagan siya sa pamahalaan na maglaan ng espesyal na suplay ng langis sa halip na umasa sa panandaliang ayuda.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang tuloy-tuloy na suplay dahil ito ang nagpapatakbo sa mga barko at kabuhayan ng industriya.

Dagdag pa niya, may mga kumpanyang nagbawas na ng operasyon ng hanggang 30% dahil sa mataas na presyo ng langis.  

Ipinaliwanag din niya na ang makabagong paraan ng pangingisda ay nangangailangan ng malaking konsumo ng fuel, kaya mas lalong naaapektuhan ang produksyon.

Dahil dito, humihingi sila ng konkretong plano mula sa gobyerno at planong idulog ang isyu sa Senado para sa pangmatagalang solusyon.

Bukod dito, umaasa silang mabibigyan ng agarang aksyon ang kanilang sektor upang maiwasan ang tuluyang paghinto ng operasyon ng mga mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --