Kinuwestiyon sa Senado ang Department of Energy (DOE) dahil sa kawalan nito ng pag-iimbak o stockpiling ng langis, kasunod ng naging babala ng ahensya na posibleng harapin ng Pilipinas ang sitwasyon kung saan tuluyang mauubusan ng suplay ng krudo ang bansa.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Protect committee na binuo upang talakayin ang epekto ng tensyon sa Middle East sa bansa, mariing pinuna ni Sen Loren Legarda ang tila pagdadahilan ng DOE na nakatali ang kamay ng gobyerno dahil sa Oil Deregulation Law, na nagiging hadlang umano sa pag-iimbak ng reserbang langis ng bansa.
Ayon sa senadora, ang paghahanda sa krisis ay hindi panghihimasok sa pribadong negosyo kundi isang mahalagang obligasyon ng pamahalaan.
Hiningan din ng direktang paliwanag ang DOE tungkol sa ginamit nitong pahayag na, “The worst case is that our country runs dry.”
Ipinadiin ng mambabatas na dapat ipaintindi sa mahigit 110 milyong Pilipino kung ano ang magiging epekto nito, lalo na sa mga ordinaryong mamamayan at sektor ng agrikultura.











