Pormal nang nagpadala ng Notice to Respondent ang House Committee on Justice kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng dalawang verified impeachment complaints laban sa kanya.
Sa abisong may petsang March 4,2026, ipinadala na sa Office of the Vice President sa Mandaluyong City, inatasan si Duterte na magsumite ng kanyang verified answer sa loob ng 10 araw na hindi maaaring palawigin alinsunod sa House rules sa impeachment proceedings.
Ayon sa komite na pinamumunuan ni Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, nakitaan na sufficient in substance ang mga reklamong impeachment.
Ang dalawang reklamo ay inihain nina Joel Saballa at Atty. Nathaniel G. Cabrera.
Binalaan din ng komite na kapag hindi nagsumite ng sagot sa itinakdang panahon, ituturing itong pagtalikod sa karapatang sumagot at ipapalagay na pangkalahatang pagtanggi sa mga alegasyon.
Sa ngayon, natanggap na ng Office of the Vice President ang naturang abiso bandang alas-10:44 ng umaga, Marso 5, 2026.
Ayon sa patakaran ng Kamara, kailangang magsumite muna ng verified answer ang respondent bago magpatuloy ang komite sa susunod na yugto ng deliberasyon sa mga reklamo.











