-- ADVERTISEMENT --

Nakauwi na sa kanilang tahanan sa Minneapolis ang limang taong gulang na si Liam Conejo Ramos at ang kanyang ama na si Adrian Alexander Conejo Arias matapos ma-detain ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa Texas, ayon kay Texas Congressman Joaquin Castro.

Inanunsyo ni Castro noong Linggo (araw sa Amerika) na pinalaya ang mag-ama mula sa Dilley detention center at nakarating na sila sa Minnesota.

“Liam is now home. With his hat and his backpack,” ani Castro.

Nabatid na ang paglaya ng mag-ama ay dumating matapos bigyan ng emergency order ng US District Judge Fred Biery ang pamilya.

Sa kanyang desisyon, binatikos ni Biery ang pagkakakulong ng naturang bata, na sinabing dulot ito ng “perfidious lust for unbridled power” at nanawagan ng mas maayos at makataong proseso sa immigration.

-- ADVERTISEMENT --

Depensa ng ICE na hindi nila target ang bmag-ama, umano’y nagkataon lang daw na iniwan ng ama ang anak nito, pero iginiit naman ng abogado ng pamilya na sinunod ng mag-ama ang tamang proseso ng asylum, pumasok sa US noong 2024 sa legal na paraan, gumamit ng CBP One app, dumalo sa mga appointment, at ipinakita ang kanilang sarili sa Customs and Border Protection.

Malayo sa sinasabi ng Department of Homeland Security (DHS) na ilegal na pumasok ang mag-ama sa US.

Sa hiwalay pa na post ng ICE sa social media itinanggi nito na na-detain ang bata.

“A criminal illegal alien ABANDONED his child as he fled from ICE officers, and our officers ensured the child was kept SAFE in the bitter cold,” ayon sa post.

Pinagtanggol din ng DHS at ICE ang kanilang naging operasyon at sinasabing tumakas ang ama ni Liam, bagaman itinanggi ng pamilya ang alegasyong ito.

Samantala, nag-post naman sa social media si Minnesota Congresswoman Ilhan Omar kung saan binati nito ang mag-ama.

“Liam is home now and we are grateful to [Joaquin Castro] for traveling to Minneapolis with him and his dad. Welcome home Liam.”