-- ADVERTISEMENT --

Tiwala ang Volunteers against Crime and Corruption (VACC) sa katotohanan ng salaysay ni ‘Alyas Totoy’ o Bonifacio Baro sa tunay na buhay laban sa tatlong Pinay celebrities na sina Michelle Dee, Samantha Panlilio at Rhian Ramos.

Ayon kay VACC President Arsenio ‘Boy’ Evangelista, masinsinang sinuri ng naturang grupo ang salaysay ni Alyas Totoy laban sa tatlong celebrity, mula noong lumapit siya sa kanila. Isinailalim din aniya ng VACC sa karagdagang validation ang mga ito, bago nag-desisyon ang grupo na tulungan si Alyas Totoy at sinamahan siyang lumapit sa National Bureau of Investigation.

Batay sa naging salaysay ni Evangelista sa Bombo Radyo, ikinuwento umano ni Baro na noong Enero-17 nagsimula ang pananakit at pangmamaltrato sa kaniya ng grupo ni Ramos at ng dalawang bodyguard, kasama ang dalawang kaibigan na sina Dee at Panlilio.

Dahil hindi umano siya pinayagang makalabas sa condo ng kaniyang boss na si Ramos, mula sa 39th floor tinangka niyang tumalon mula sa bintana at tuluyang dumausdos sa 25th floor.

Bagaman marami umanong sugat, tumuloy siya sa lobby ngunit agad din umano siyang nakita ng mga bodyguard ni Ramos at ibinalik sa 39th floor.

-- ADVERTISEMENT --

Aminado rin umano si Alyas Totoy na kinuha niya ang isang ampaw na naglalaman ng ‘material film’ na tinatayang nagkakahalaga ng hanggang P30 million, sa pag-aakalang iyon ay cash. Inaakala din aniya ni Alyas Totoy na iyon ay para sa kaniya, lalo at holiday season.

Gayunpaman, noong nalaman umano niyang mga sensitibong larawan (film) ang naroon, ibinalik din umano ito ni Alyas Totoy ngunit ipinagpipilitan aniya ng kampo ni Ramos na walo na lamang ang nilalaman nito mula sa orihinal na siyam na sensitive materials.

Ayon pa kay Evangelista, apat na taon nang nagsisilbi kay Ramos sa iba’t-ibang kapasidad si Alyas Totoy, tulad ng pagiging driver, assistant, tagalinis ng condo, at iba pang mga kaugnay na trabaho.

Naging maayos din aniya ang pananatili niya hanggang sa nangyari ang naturang insidente.

Samantala, sa hiwalay na mensahe ng legal counsel nina Michelle Dee at Rhian Ramos na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, itinanggi niya ang lahat ng mga alegasyon ni Alyas Totoy, tulad ng pananakit at iligal na pag-detine sa kaniya.

Ayon sa abogado, imposibleng magawa ito ni Michelle Dee dahil sa mga araw na nabanggit ni Alyas Totoy mula Enero 17 hanggang 19, ay abala ang beauty queen sa ilang aktibidad.

Buong araw umano siyang nasa Iloilo noong Enero-17 at nakabalik na lamang siya sa Manila noong Enero-18, patunay dito ang ilang plane ticket ng celebrity.