Nalasap ng Golden State Warriors ang pitong puntos na pagkatalo sa kamay ng No.1 team sa eastern conference na Detroit Pistons.
Kinulang ang comeback ng Golden State sa huling quarter para burahin ang 13-point deficit at nalasap ang 131-124 na pagkatalo.
Muling nagpakita ng episyenteng peformance ang Detroit guard na si Cade Cunningham sa kaniyang 11-of-19 field goals at ibinulsa ang 29 points, kasama ang limang free throw.
Nagbulsa rin siya ng 11 assists at isang block, kasama ang apat na rebounds.
Pitong players ng Pistons ang nagtapos na hawak ang double-digit score, at dalawa ang gumawa ng double-double performance.
Nasayang naman ang 23 points ni NBA superstar Stephen Curry sa muling pagkatalo ng Warriors. Ang magandang performance ni Curry ay natapos sa ikalawang bahagi ng laban matapos siyang umalis sa hardcourt dahil sa knee soreness.
Pinilit pa rin ng Golden State na itawid ang laban ngunit hindi naging sapat ang 18 3-pointers na naipasok ng koponan dahil binantayan ng Pistons ang paint area kung saan kumamada ang koponan ng 62 points habang 40 points lamang ang naging kasagutan ng 2022 NBA champion.
Gumamit ang Pistons ng fast-paced game kontra sa team ng 37-anyos na si Curry. Sa kabuuan ay kumamada ang Pistons ng 25 fast break points habang sampu lamang ang nagawa ng Warriors.











