-- ADVERTISEMENT --

Binatikos ni Senador Erwin Tulfo ang pagkondena ng Chinese Embassy sa mga pahayag ng ilang opisyal ng Pilipinas kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea.

Ayon kay Tulfo, walang karapatan ang Chinese Embassy na sitahin ang mga opisyal ng bansa sa kanilang mga pahayag laban sa umano’y pagkamkam ng China sa teritoryo ng Pilipinas. Giit niya, kung hindi umano tanggap ng mga opisyal ng embahada kung paano gumagana ang demokrasya sa bansa, maaari silang umalis anumang oras.

Binigyang-diin din ng senador na nasa Konstitusyon ng Pilipinas ang freedom of speech kaya’t nararapat itong igalang ng mga dayuhan. Dagdag pa niya, wala umanong ganitong kalayaan sa China kung saan ikinukulong ang mga kritiko at pinapatahimik ang media.

Nag-ugat ang isyu matapos sabihin ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei na hindi lisensya ang freedom of speech upang siraan ang lider ng ibang bansa. Kung saan ipinunto rin ni Guo ang isang internet post ni Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela na nagpakita ng AI-generated video ni Chinese President Xi Jinping.

Kaugnay nito, iginiit ni Tulfo na kung nais ng mga opisyal ng China ang respeto ng mga Pilipino, dapat muna nilang igalang ang Konstitusyon ng Pilipinas at kilalanin na ang bansa ay hindi nila pag-aari.

-- ADVERTISEMENT --