Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na bagama’t lohikal ang mungkahing ipadeport si dating Ako-Bicol Rep. Zaldy Co mula Portugal, ito ang “pinaka-improbable” na opsyon sa ngayon.
Naglabas ng pahayag si Remulla matapos itulak ni ML Party-list Rep. Leila de Lima na idaan sa deportation imbes na extradition ang pagbabalik ni Co, na nasasangkot sa flood control corruption controversy.
Paliwanag ni Remulla, hindi maaaring pilitin ang deportation dahil Portuguese passport holder si Co.
Wala ring extradition treaty ang Pilipinas at Portugal, ngunit sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handa siyang makipagnegosasyon para sa pag-aresto kay Co. Sinabi naman ni Remulla na pinag-aaralan ng pamahalaan ang legal na hakbang sa ilalim ng mga international agreements at posibleng avenues sa ilalim ng United Nations.
Noong Nobyembre 2025, inisyuhan ng arrest warrants si Co at iba pang opisyal dahil sa umano’y anomalya sa P289-milyong flood control project sa Oriental Mindoro. Nagsampa na rin ang Ombudsman ng kaso sa Sandiganbayan, na magsisimula ng trial sa Enero 20. Tinanggi ni Co ang mga akusasyon.











