Sinuspinde ng Philippine Basketball Association (PBA) ang referee na si Jeff Tantay dahil sa nakaligtaang foul call sa naging laban ng TNT Tropang 5G at Meralco Bolts nitong Miyerkules (January 14).
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, nabigo si Tantay na magtawag ng foul laban kay Calvin Oftana (TNT) sa clutch time ng Game 5 sa TNT-Meralco semis series.
Lumalabas na natapik ni Oftana ang shooting hand ni CJ Cansino (Bolts) habang tinatangka ng huli na mag-pasok ng isang field goal sa huling siyam na segundo ng naturang laban.
Hawak noon ng Tropang 5G ang 1-point lead, 97-96, at matapos ang missed foul call, tuluyan nang ibinulsa ng ng naturang koponan ang panalo, 99-96, daan upang makuha nito ang unang finals berth sa PBA Season 50 Philippine Cup.
Matapos ang laban, kinuwestyun ng Bolts ang kabiguan ni Tantay na magtawag ng foul at agad ding inaksyunan ng liga.
Ayon pa kay Marcial, pagdedesisyunan pa ng Commissioner’s Office kung ang suspension ni Tantay ay para lamang sa ilang game o sa kabuuan na ng buong conference kung saan ang best-of-seven finals ay nakatakda na sa susunod na lingo.
Kung babalikan ang naging bakbakan, nagpasok si Cansino ng career-high 36 points at pinangunahan ang Bolts mula sa 10-point deficit para tuluyang ibulsa ang lead, 96-91, 27 segundo bago matapos ang laban.
Sa kaniyang 36 points, 17 ang nagawa niyang ipasok sa 4th quarter.











