Nagbabala si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa kaniyang mga kasamahang mambabatas sa House of Representatives laban sa pagsuporta sa posibleng panibagong impeachment complaint laban sa kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte, na inaasahang ihahain sa Pebrero 2026.
Ayon sa kongresista, ang pagsulong sa impeachment ay kagustuhan lamang umano ng iilang may kontrol sa pondo at impluwensiya, at hindi tunay na boses ng taumbayan.
Binigyang-diin niya na sa isang representative democracy, ang desisyon ng mga mambabatas ay dapat nakabatay sa paninindigan ng kanilang mga nasasakupan at hindi sa pulitika at patronage.
Samantala, sinabi ni Cavite Rep. Kiko Barzaga na hindi siya mag-eendorso ng anumang impeachment complaint, bagamat sang-ayon siyang dapat imbestigahan ang paggamit ng confidential funds ng Bise Presidente
Giit naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Adiong na ang impeachment ay dapat may malinaw na katotohanan at matibay na ebidensiya, at hindi batay sa tsismis o espekulasyon lamang.
Matatandaang idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang naunang impeachment complaint laban kay VP Sara noong Pebrero 2025 dahil sa paglabag sa one-year ban sa ilalim ng 1987 Constitution. Nakabinbin pa rin ang motion for reconsideration ng Kamara.
Nauna nang lumutang ang usapin ng panibagong impeachment complaint laban sa Bise Presidente dahil magtatapos na sa susunod na buwan ang one-year ban. Maaaring isama rito ang mga bagong alegasyon ng detainee na si Ramil Madriaga, na nagsasabing siya umano ang bagman ng bise presidente at pinondohan ng POGO operators at drug lords ang kampanya ng Pangalawang Pangulo noong 2022 Presidential elections
Sinabi naman ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon na kailangan ng pormal na imbestigasyon ng Kamara upang mapatunayan ang naturang mga paratang.
Samantala, nilinaw ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibleng panibagong impeachment complaint at hahayaan lamang umanong umusad ang anumang proseso alinsunod sa batas.











