Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ilang ulit na niyang sinubukang kontakin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ngunit wala siyang natatangap na sagot mula sa senador mula nang hindi na ito dumalo sa mga sesyon ng Senado simula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Sa isang pahayag sinabi ni Sotto na nagpadala na siya ng dalawa hanggang tatlong text messages kay De la Rosa matapos itong umalis sa Senate group chat.
“I texted him two to three times, but I never received any reply,” ani Sotto.
Ayon kay Sotto, huli niyang kinontak si De la Rosa halos dalawang buwan na ang nakalipas, hindi lamang upang kumustahin ito kundi upang magpasalamat din matapos magtagpo ang kanilang pamilya sa isang event sa General Santos City.
Binanggit din ni Sotto na nag-text siya kay De la Rosa kaugnay ng 2026 national budget, dahil ang senador ay nagsisilbing vice chair ng Senate committee on finance at itinalagang miyembro ng bicameral conference committee.
Nilinaw pa ni Sotto na walang kapangyarihan ang Senado na pilitin ang isang miyembro nito na pumasok sa trabaho hangga’t patuloy namang nagtatrabaho ang tanggapan nito.
ISYU SA ICC WARRANT
Matatandaang nagsimulang hindi dumalo si De la Rosa sa mga sesyon matapos sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na umano’y naglabas na ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa senador.
Si De la Rosa ang unang hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at nanguna sa kampanya kontra droga na ikinamatay ng libo-libong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na plano niyang kausapin si De la Rosa upang magbigay ng payo kung paano haharapin ang mga kasong ipinupukol laban dito.
kung maaalala si Lacson ay nagtago mula 2010 hanggang 2011 matapos maiugnay sa pagpatay kay publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito—mga kasong kanyang itinanggi.
Sa isang panayam noong Disyembre, sinabi ni Lacson na nakausap na niya si De la Rosa matapos lumabas ang balita tungkol sa ICC warrant.
“He joked: ‘Sir, I’m going to break your record for hiding,’” ani Lacson.
Dagdag pa niya, pinayuhan niya ang senador na ingatan ang sarili at pabirong sinabi na kung magtatago man ito, dapat ay gawin niya ito nang maayos—habang ang mga awtoridad naman ay dapat ding gampanan nang tama ang kanilang tungkulin.










