Nanindigan si US President Donald Trump na kailangang makuha ng Amerika ang Greenland upang mapigilan ang Russia at China na gawin ito.
Binigyang diin ng US President ang pagdepensa sa Greenland at sinabing gagawin nila ito sa madali o sa mahirap na paraan.
Nauna ng inihayag ng White House kamakailan na ikinokonsidera ng Trump administration na “bilhin” ang Greenland na kontrolado ng Denmark bilang autonomous territory nito subalit hindi rin isinasantabi ang opsyon na gawin itong annex sa pwersahang paraan.
Gayunpaman, kapwa iginiit ng Denmark at Greenland na hindi “for sale” ang naturang teritoryo. Nagbabala rin ang Denmark na sakaling maglunsad ng military action sa kanilang bansa ay magiging hudyat ito ng pagwawakas ng defense alliance na North Atlantic Treaty Organization (NATO), kung saan kapwa kasapi ang US at Denmark.
Makailang ulit na ring sinabi ni Trump na mahalaga ang lokasyon ng Greenland sa pambansang seguridad ng Amerika, kung saan ito ay napapaligiran umano ng mga barko ng China at Russa sa lahat ng sulok subalit walang sapat na ebidensiya sa alegasyong ito ni Trump.
Napapagitnaan din ang Greenland ng North America at Arctic kayat magandang lokasyon ito para sa early warning systems sakaling may missile attacks at para mamonitor ang mga sasakyang pandagat na umaaligid sa rehiyon.
Sa ilalim ng umiiral na kasunduan sa pagitan ng Amerika at Denmark, may kapangyarihan ang US na magdala ng maraming tropa sa Greenland kung gugustuhin nito.
Sa isang statement naman nitong gabi ng Biyernes, muling iginiit ng Greenland party leaders kasama ng oposisyon, ang kanilang pagtutol na mapasailalim sa kontrol ng Amerika at iginiit na ang kinabukasan ng Greenland ay dapat na pagpasyahan ng mamamayang Greenlandic.











