Lalong nagiging matunog sa larangan ng tennis ang Filipina na si Alex Eala dahil sa nakatakdang makaharap nito si dating worlds no. 1 Venus Williams sa doubles opener ng ASB Classic sa Auckland, New Zealand.
Makikipag-partner si Eala kay Iva Jovic, kampeon ng 2025 Guadalajara Open, laban sa duo nina Williams at dating world no. 3 Elina Svitolina.
Ang laban ay bahagi ng women’s doubles round of 16 at inaasahang magiging isa sa mga tampok na sagupaan sa torneo.
Bukod sa doubles, nakatakda ring harapin ni Eala si Donna Vekic sa kanyang singles opener sa parehong araw.
Posibleng magharap si Eala at Williams sa isang blockbuster quarterfinal showdown sa singles kung parehong makakatawid sa unang dalawang round.
Ang ASB Classic ay nagsisilbing preparasyon ni Eala para sa kanyang main draw debut sa Australian Open na magsisimula sa Enero 18, 2026.
Layunin ng Filipina tennis ace na ipagpatuloy ang kanyang momentum matapos ang matagumpay na 2025 season kung saan umangat siya sa world no. 53 ranking.











