Itinaas ng PHIVOLCS sa Alert Level 2 mula Alert Level 1 ang estado ng Mayon Volcano matapos makapagtala ng patuloy na pagtaas ng rockfall mula sa summit lava dome.
Simula Nobyembre 2025, umabot sa 599 rockfall events ang naitala, na may average na 10 kada araw, ngunit tumaas ito sa 21 kada araw sa huling linggo ng Disyembre.
Noong 31 Disyembre 2025, nakapagtala ng 47 rockfall events, ang pinakamataas sa loob ng isang taon. Ayon sa PHIVOLCS, ang pagdami ng rockfall ay indikasyon ng paglaki ng magmatic dome na maaaring mauwi sa pagputok, katulad ng nangyari bago ang 2023 eruption.
Bukod dito, lumitaw na may anomalya sa ground deformation ng bulkan sa nakalipas na 18 buwan, na nagpapakita ng patuloy na pag-swelling ng mga dalisdis.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) upang maiwasan ang panganib mula sa biglaang pagsabog, landslide, at ballistic projectiles.
Pinayuhan din ang mga lokal na pamahalaan na ihanda ang mga komunidad para sa posibleng evacuation at ang mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa tuktok ng bulkan.










