Tumanggi na si Assistant Ombudsman Mico Clavano na patulan ang mga pasaring ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste hinggil sa umano’y “paghingi ng paumanhin” ng Ombudsman kaugnay ng isang video statement.
Sa panayam, sinabi ni Clavano na maihahalintulad sa “black hole” ang pakikipagsagutan dahil wala siyang makitang direksyon ng ganitong sitwasyon.
Ang mainam umanong gawin ngayon ay mag-focus na lamang sa kanilang trabaho.
Ang kontrobersya ay nag-ugat sa tinaguriang Cabral files o mga dokumentong umano’y ibinigay kay Leviste ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, na nag-uugnay sa ilang opisyal sa kontrobersyal na 2025 budget insertions.
Noong Disyembre 29, 2025, naglabas si Clavano ng video statement kung saan sinabi niyang hindi ipinakita ni Leviste ang buong set ng files sa Ombudsman.
Mabilis namang itinanggi ni Leviste ang pahayag at iginiit na kumpleto ang kanyang isinumiteng dokumento.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Leviste na may tauhan ng Ombudsman na nag-apologize sa kanya hinggil sa umano’y “inaccurate” na video statement.
Gayunpaman, tumanggi si Clavano na sagutin pa ang naturang alegasyon at binigyang-diin na mas mahalagang manatiling nakatuon sa imbestigasyon.
Patuloy na iniimbestigahan ng Ombudsman ang nilalaman ng Cabral files na sinasabing naglalaman ng mga ebidensiya ng anomalya sa 2025 infrastructure budget.
Sa kabila ng palitan ng pahayag, iginiit ni Clavano na ang usapin ay hindi tungkol sa kanila kundi sa mas malawak na interes ng publiko.










