-- ADVERTISEMENT --

Inanunsiyo ng Israel ang pagsuspendi sa mahigit dalawang dosenang humanitarian organizations na nago-operate sa Gaza Strip simula sa 2026 dahil sa kabiguan umanong sumunod sa bagong registration rules.

Ayon sa Israel, layunin ng bagong mga panuntunan na mapigilan ang Hamas at iba pang militanteng grupo na mapasok ang aid organizations.

Kabilang sa mga sususpendihin ay ang operasyon ng isa sa pinakamalaki at kilalang international aid group na Doctors Without Borders at Cooperative for Assistance and Relief Everywhere (CARE).

Subalit, umangal dito ang mga humanitarian organizations. Anila, hindi makatuwiran ang bagong registration rules at nagbabalang makakaapekto ang panibagong pagbabawal sa ilang aid groups sa mga mamamayan ng Gaza na lubos na nangangailangan ng humanitarian aid.

Sa ilalim kasi ng bagong rules na inanunsiyo ng Israel sa unang bahagi ng 2025, minamandato ang aid organizations na i-rehistro ang mga pangalan ng kanilang mga empleyado at ibigay ang mga detalye kaugnay sa pagpopondo at kanilang mga operasyon para maipagpatuloy nila ang kanilang trabaho sa Gaza.

-- ADVERTISEMENT --

Una na kasing inakusahan ng Israel ang Hamas ng pagkuha ng aid supplies, alegasyong kapwa itinanggi ng United Nations at ng aid groups.