Ginunita ni Vice President Sara Duterte ang buhay at diwa ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal sa kanyang pahayag ngayong araw ng pag-alala sa kabayanihan ng makata at manunulat.
Ayon kay Duterte, sa pamamagitan ng mga akda ni Rizal ay naipamana sa sambayanang Pilipino ang walang-takot na pagmamahal sa bayan at ang pangarap ng tunay na kalayaan na nakabatay sa liwanag ng kaalaman.
Binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na ang aral ni Rizal ay malinaw: ang kalayaan ay hindi lamang paglaya mula sa puwersang dayuhan, kundi pati na rin ang paglaya ng isip at damdamin mula sa pang-aabuso, pagkawatak-watak, at kasamaan.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Duterte ang mga Pilipino na muling manumbalik ang lakas at tapang upang manindigan para sa katotohanan at katarungan. Dagdag pa niya, hindi dapat hayaang mamatay ang diwa ng karunungan at pagkakaisa na ipinaglaban ng bayani.
Binanggit din ng Pangalawang Pangulo na ang tunay at pangmatagalang pagbabago ay nagsisimula sa malalim na pag-aaral, moral na integridad, at sama-samang pagkilos sa komunidad at mga institusyon.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, ipinaalala ni Duterte ang kahalagahan ng pagmamahal sa Pilipinas, para sa Diyos, sa Bayan, at bawat Pamilyang Pilipino, bilang pagpupugay sa diwa ni Dr. Jose Rizal.











