-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing ang alegasyon na may iniaalok na ₱150 milyong “insentibo” sa mga kongresistang boboto pabor sa ratipikasyon ng 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Ayon kay Suansing, hindi iniimpluwensyahan ng House leadership ang sinumang miyembro ng Kamara sa kanilang pagboto. 

Tugon ito ni Suansing sa alegasyon ni Batangas Representative Leandro Leviste na may nangyayaring suhulan para bumuto pabor sa pag ratipika sa 2026 pambansang budget.

Binigyang-diin ni Suansing na malaya ang bawat mambabatas na magpasya batay sa konsensya at pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Sinabi ng Kongresista, sa katunayan, upang palakasin ang transparency at pananagutan sa proseso ng badyet, ipinatupad ng Kamara ang ilang reporma, kabilang ang pagbuo ng Budget Amendment and Review Sub-Committee (BARSc), mas malawak na konsultasyon sa civil society, at mas masusing pagrepaso sa panukalang badyet.

-- ADVERTISEMENT --

Kauna-unahan ding isinagawa ang isang bukas at naka-livestream na bicameral conference committee meeting.

Nangako rin ang bicam leadership na magbibigay ng digital na kopya ng final na bersyon ng GAB sa mga mambabatas bago ang botohan sa plenaryo.

Sa ilalim ng reconciled na GAB, aabot sa ₱6.7 trilyon ang nakalaang pondo para sa operasyon ng pamahalaan sa 2026.