Ibinabala ng civilian coalition na nakatutok sa mga kapakanan at karapatan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea na Atin Ito ang “political stunt” ng China.
Ito ay kasunod ng pagtulong ng mga personnel ng Chinese Navy warship sa isang mangingisdang Pilipino noong Pasko, Disyembre 25.
Sa isang statement, sinabi ni Atin Ito co-convenor Rafaela David na kanilang kinikilala ang tungkuling tulungan ang mga nasa distress na kalagayan sa dagat, subalit ang ginawa aniya ng China ay hindi isang humanitarian assistance kundi isang pagpapabango ng kanilang imahe.
Aniya, isa itong propaganda-driven assistance na layuning ilihis tayo mula sa ilang taong panghaharass, karahasan at iligal na panghihimasok ng China sa mga katubigang sakop ng Pilipinas.
Binatikos din ni David ang claim ng China na tatlong araw na nawawala ang mangingisdang Pilipino na nilinaw aniya ng Philippine Coast Guard (PCG) na ligtas na nakaangkla sa isang payao habang nag-aantay na ma-retrieve ng kaniyang mother boat.
Kinuwestyon din niya ang pagpapatroliya ng Chinese navy ship sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Aniya, walang anumang gawain ng pagtulong ang maaaring magpahintulot sa panghihimasok at hindi mabubura ng pagpapakita ng kabutihan ang mga gawain ng harassment at karahasan sa ating mga katubigan.
Kaugnay nito, nagbabala rin ang Atin Ito laban sa pagtatangka ng China na linisin ang matagal ng pangaabuso nito sa pamamagitan ng isang “highly publicized incident,” kasabay ng pag-alala sa mga insidente ng pambobomba ng mga barko ng China Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino sa Escoda Shoal at pagsasagawa ng mapanganib na maniobra na ikinasugat ng tatlong Pilipino at ikinapinsala ng dalawang bangkang pangisda.
Sa huli, iginiit ng koalisyon na hindi maikakaila ng propaganda-driven assistance ng China ang paglabag sa international law, at hindi ito maabswelto sa patuloy nitong panghihimasok.











