-- ADVERTISEMENT --

Nagsalita na ang OPM singer na si Zack Tabudlo sa social media matapos makatanggap ng mapanakit na komento mula sa ilang netizen kaugnay ng kanyang performance sa Paskuhan ng University of Santo Tomas.

Umusbong ang isyu matapos kumalat ang isang TikTok video na nagpapakitang pawisan ang mang-aawit habang masiglang nagpe-perform, na naging dahilan ng mga negatibong pahayag tungkol sa kanyang itsura at umano’y masamang amoy.

Sa isang video na inilabas noong Disyembre 22, ipinaliwanag ni Zack na hindi niya layuning makipagtalo kundi bigyang-liwanag ang realidad na tahimik na dinaranas ng maraming artista. Aniya, normal lamang na pagpawisan dahil sa pag-galaw ng matindi, mainit na ilaw, at init habang nagtatanghal sa entablado.

Aminado ang singer na masakit pa rin ang mga personal message laban sa kanya, lalo na ang mga komentong tumutukoy sa kanyang itsura, timbang, at ugali, kahit matagal na siya sa industriya. Ibinahagi rin niya ang pagkadismaya na tila mas natatandaan siya ng publiko dahil sa mga kontrobersiya kaysa sa kanyang musika.

Binigyang-diin ni Zack ang panganib ng social media kung saan maaaring mabuo aniya ang maling imahe ng isang tao dahil lamang sa viral na komento o video. Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nanawagan siya ng ”empathy” at ”kindness”, paalalang tao rin ang mga artista at nasasaktan.