-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni National Maritime Council (NMC) spokesperson Alexander Lopez na nasa maayos ng kondisyon ang tatlong mangingisdang Pilipino na nasugatan sa water cannon attack ng Chinese vessels sa may Escoda Shoal noong Disyembre 12.

Ayon sa opisyal, kasalukuyan nang nagpapagaling ang mga nasaktang mangingisdang Pilipino.

Idinetalye rin ni Lopez ang nangyari sa mangingisdang Pilipino sa kasagsagan ng pagbomba ng water cannon ng mga barko ng China Coast Guard sa Filipino fishing boat.

Aniya, natumba at tumama sa matitigas at matatalas na parte ng kanilang bangkang pangisda ang mga nasugatang Pilipino.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lopez na agad din sinaklolohan ng dalawang barko ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisdang Pilipino at binigyan ng karampatang medikal na atensiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, patuloy ang pagsusuri sa pinsalang tinamo ng mga bangkang pangisda. Ayon sa NMC official, ito ang kauna-unahang pagkakataon na sadya at direktang pinunterya ng mga barko ng China ang mga fishing boat sa kasagsagan ng water cannon incident.